top of page

Catholic Theological Society of the Philippines

Damdaming Katoliko sa Teolohiya

Leni.jpeg

Pahayag ng Suporta ng Damdaming Katoliko sa Teolohiya - DaKaTeo

sa Kandidatura ni VP Leni RobrEdo sa pagka-Pangulo ng Pilipinas

Ang DaKaTeo ay isang kapatiran ng mga propesyonal na Katolikong teologo. Kami ay mga layko, madre at pari na mga guro, mananaliksik, manunulat, at tagahubog ng mga pamayanan. Ang aming samahan ay nakikilahok sa mga usapin tungo sa makatarungang lipunan at Simbahan na may pagkiling sa mga mahihirap, mahihina, at inaapi. Ang pahayag na ito ay bunga ng aming nagkakaisang saloobin tungkol sa eleksyon sa Mayo 2022.

Mga Minamahal Naming Kababayan:

 

Ang ating bansa ay nahaharap sa tatlong malulubhang problema: ang pagkalugmok natin dahil sa Covid-19; ang malawakang katiwalian sa gobyerno; ang pag-iral ng kasinungalingan, karahasan, pandaraya, at pag-aaway-away ng taumbayan.

 

Ang mga nasabing problema ay may kalutasan kung sama-sama tayong kikilos upang ibalik ang isang gobyernong tunay na mapagmalasakit, malinis at magsisilbi sa pamayanan.

 

Nagkakaisa kami sa DaKaTeo na si VP LENI ROBREDO ang dapat na mamuno bilang Pangulo ng Pilipinas tungo sa sama-sama nating tugon sa ikabubuti ng bayan.

 

BAKIT SI LENI?

MAHUSAY NA ‘TRACK RECORD’

Bilang Ikalawang Pangulo, kongresista, at bago pa man siya sumabak sa larangan ng politika, napakarami nang nagawa at nagagawang kabutihan si Leni para sa taumbayan. Kahit na gipit siya sa badyet, malikhain at mapamaraan niyang natutulungan ang ating mga kababayan nitong dalawang taon ng pandemya. Hindi sumusuko si Leni sa krisis ng bansa dahil nasa puso niya ang ating kapakanan.

 

Sa mga taon ng panunungkulan ni VP Leni, napatunayan ng Commission on Audit (COA) na ang kanyang opisina bilang Ikalawang Pangulo ay ang pinakamalinis na tanggapan ng gobyerno. Ginagamit niya nang tama at naayon ang pera ng mamamayan. Hindi korap si Leni.

 

Kay Leni, masasandalan natin ang isang lider na subok na, malinis at matibay magserbisyo.

 

AKSYON AGAD AT MABISANG MAGLINGKOD

Bago pa man kumilos ang ibang lider at ahensya ng gobyerno, nauuna na si Leni na tumutulong sa ating kababayan. Kahanga-hanga ang kanyang gilas, tapang, at sikap na abutin ang ating mga kababayan at iparating ang maginhawang pagdamay lalo na sa mga nakakaligtaan at biktima ng mga sakuna.

 

Samahan natin siya sa kanyang mga programa tulad ng pagpapatibay ng ating ‘health care system’ at pagtugon sa mga pangangailangan ng ating mga ‘health care workers. Tutulungan niya ng pinansyal ang mga pinakaapektado sa pandemya para makatayo sa sariling paa. Ibabangon niya ang negosyo at pamumuhunan na may patas na transaksyon alang-alang sa mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, at maliliit na negosyante.

 

Makikinabang tayo sa lider na determinado, masigasig, masinop, mabilis kumilos, at epektibong naglilingkod tulad ni Leni.

 

Ipaglalaban ni Leni ang ating hanapbuhay.

 

TAPAT AT MATAPANG

Si Leni ay HINDI magnanakaw, sinungaling, mandaraya, tamad, mayabang, abusado, nananakot, marahas, at mamamatay-tao. HINDI niya pinapaboran ang iilang pamilya, kaibigan, politiko at negosyante. HINDI niya pinoprotektahan ang mga may sala ng katiwalian, at HINDI niya pinag-aaway-away tayong mga Pilipino.

 

Naniniwala tayo na ang paggalang sa karapatang-pantao at matapang na paglaban sa pang-aabuso ng kapangyarihan ay maitataguyod sa pamunuan ni Leni. Ang batas ay magiging patas para sa lahat lalo na para sa mga mahihirap at mahihina. Magkakaroon tayo ng malaya, makatotohanan at responsableng pamamahayag. Isusulong ni Leni ang ating kasarinlan sa West Philippine Sea (WPS). Kaisa natin si Leni sa paglilinis ng mapanlinlang, mapanikil at maruming sistema ng pamumuno.

​

Matapang si Leni na aayusin ang ating gobyerno at bansa. Kay Leni, hindi na rin tayo matatakot.

 

PINAGTITIBAY ANG LAKAS NG BAYAN

Bumabalik ang tiwala natin sa sarili at sa isa’t isa na magtulungan para sa ikakabuti ng ating pamayanan. Sa ehemplo ni Leni, kaya nating magkusang-loob na magkawanggawa, mag-organisa at magkapit-bisig kasama ang iba’t-ibang sektor ng pamayanan, at pagtibayin ang ating kakayahan at punuan ang ating pagkukulang.

 

Tapusin na natin ang elitista at trapong politika ng iilang pamilya at angkan. Kay Leni, palalakasin tayo na makilahok bilang ‘engaged citizens’ hindi lamang tuwing eleksyon kundi sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.

 

Kay Leni, kaya natin maging bayani sa ating bayan na nagbabayanihan.

 

MAKATAO, MAKABAYAN, MAKA-DIYOS

Ang mga katangiang nakikita natin kay Leni ay sumasalamin sa mga adhikaing tinitingala ng bawat Pilipino – makatao, makabayan, maka-Diyos. Ang kanyang ginagawa ay kaya rin nating gawin.

 

Samahan natin si Leni sa misyong hinabilin ni HesuKristo sa atin lahat: “Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin, sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang magandang balita. Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila'y lalaya at sa mga bulag na sila'y makakakita. Isinugo ako upang palayain ang mga inaapi, at upang ipahayag ang panahon ng pagliligtas ng Panginoon.” (San Lukas 4:18-19).

 

Kay Leni, hindi tayo matatakot na punahin siya sa kanyang pagkukulang at pagkakamali upang mapangatawan niya ang magandang balita ng kalayaan at kaginhawaan para sa lahat.

 

PALAWAKIN ANG HANAY NG MGA TAPAT AT MAGALING MAGLINGKOD

Kung ikukumpara sa ibang kandidato na kabilang sa oposisyon, mas malaki ang posibilidad na mananalo si Leni. Sana’y magkaisa ang oposisyon sa pangunguna ni Leni upang masiguro ang pagsulong ng tunay na pagbabago ng ating lipunan.

 

Sa iba pang pambansang posisyon (sa pagka-Ikalawang Pangulo at mga Senador) at sa lokal na pamahalaang-bayan, piliin natin ang mga kandidatong tunay na mga lingkod ng bayan: tapat at malinis, hindi magnanakaw; makatotohanan, hindi sinungaling; may magandang programa at kakayahan sa posisyon, hindi dahil sa pangalan ng pamilya o angkan; malinis ang rekord ng panunungkulan at mapagkakatiwalaan; nakikinig sa mga puna at pagbubutihin ang paglilingkod; kumikiling sa mga mahihirap at mga biktima ng karahasan.

 

Nananawagan kami sa lahat na magtipon-tipon sa ating pamayanan o sa ‘online platforms’ upang magtalakayan, magsuri, manalangin, at kumilos ng sama-sama para sa kinabukasan ng ating bansa. Nananalangin kami na gabayan tayong lahat ng Panginoong mapagkalinga na maging makabuluhan at mabunga ang ating eleksyon sa Mayo 2022. Nawa’y ang katotohanan ang mananaig at ang damdamin ng sambayanan ay igagalang.

 

Maraming salamat po sa inyong lahat.

​

​

Enero 1, 2022

 DaKaTeo Philippines

bottom of page